Thursday, December 11, 2008

Pilit.
Pinost ni Kebs noong 8:33 PM

Tanda ko napilitin ako dating maging Adolfo sa presentasyon namin ng Florante't Laura. Nakakapanibago nga e. Madalas kasi extra lang ako, walang kamalay-malay sa totoong takbo ng kwento. E major role 'to e. At sa pinakaayaw ko pa dito, masama yung role ko. May "irerape-ko-si-Laura" scene pa. Mas lalo akong napapaayaw. Ang mas malala pa dun, yung Laura namin, close ko pa. Nakakahiya naman. E napilitan e, wala akong magagawa dun.

Hindi mawawala sa buhay ng tao ang mapilitan na gumawa ng isang bagay. E kung kailangan e. Mas maiging sumunod ka na lang kaysa sa tumiwalag.

Madalas naman kapag tayo'y napipilitan sumunod ay para rin sa ikabubuti natin. Hindi naman natin kailangang gustuhin iyon, pero kung makakabuti nga naman iyon diba. Halimbawa nito ay ang pagsunod natin sa mga patakaran na nakalahad para sa lugar na iyon. Baka mapahamak o makasakit ka kasi kung di ka susunod.

Pero minsan, naaabuso ang pagpilit. Nakukulong ang tao sa isang kulungang ipinagbabawal sila maging kung sino sila o mamuhay nang normal. Nakakasama ang pag-abuso nito, lalo na ngayon na marami nang kung anong bisyo't kung ano ang lumilitaw kung saan saan. Pero 'di lang 'to tumitigil doon. Sa pag-ibig, ang pagpilit na pagmamahal ng isang taong mahirap abutin o pinapahirapan ka pabalik ay nakakasama rin. Kahit tawagin mo ang sarili mong martyr, kung hindi rin naman nakakabuti sa iyo o sa inyong dalawa, oras na para magpigil. Hindi naman masamang tumiwalag. Basta may dahilan kang kaya mong panindigan.

Di masamang magpapilit. Huwag lang umabot sa mawawalan ka na ng kontrol sa sarili mo.