Wednesday, December 10, 2008
50 First Dates - Kaya mo ba tumagal sa isang paulit-ulit na relasyon?
Pinost ni Kebs noong 11:41 PM
Ang pag-ibig ay isang kakaiba ngunit magandang emosyon. Walang may kayang intindihin ito nang isang tinginan lamang. Hindi rin siguro ito maiintindihan sa ikalawang tingin. Pero paano kaya sa ikalimampung tingin? Kaya ba? Sa pelikulang “50 First Dates” malalaman ang kasagutan sa tanong na iyan.
Ang pelikulang ito ay ginanap sa Hawaii. Pinangungunahan ang pelikulang ito ni Henry Roth na ginampanan ni Adam Sandler. Isa siyang beterenaryo ng mga hayop na naninirahan sa tubig. Tinadhana silang magkita ni Lucy Whitmore na ginampanan naman ni Drew Barrymore sa isang kapihan. Naging malapit sila sa isa’t isa noong araw na yun. Pero nang nagkita ulit sila kinabukasan sa kapihan, hindi na maalala ni Lucy si Henry at lahat ng mga pinagsamahan nila noong una nilang pagkikita dahil meron siyang anterograde amnesia na nakuha niya pagkatapos niyang mabangga ang kanyang kotse sa isang puno. Dahil sa sakit na ito, bawat tulog niya ay nakakalimutan niya lahat ng nangyari sa nakaraang araw at paulit-ulit niyang pinaniniwalaan na ang araw na binubuhay niya ay Oktubre 13, 2002, ang araw bago ang makapagbagong –buhay na aksidente. Dahil dito, paulit-ulit ring inaarte ng kapatid at tatay ni Lucy ang araw na iyon at napilitan si Henry na maghanap ng bagong paraan araw-araw para makapasok lang sa puso ng dalaga. Nang nakipakilala ang tatay at kapatid ni Lucy kay Henry dahil sa pagpupursige niya, at matapos bigyan ni Henry si Lucy ng isang bidyo tape na nagsasabi sa kanya lahat ng mga nangyari sa buhay niya pagkatapos ng aksidente, unti-unting napapalapit si Lucy kay Henry, hanggang sa maging sila. Pero nang natulog silang dalawa sa iisang kama, pagkagising ni Lucy at pagkakita niya kay Henry, hindi niya siya naaalala kaya inatake niya ito. Si Henry ay lumabas ng kwarto at kinausap ang doktor ni Lucy at narinig ng dalaga na dahil sa kanya, hindi makakaalis si Henry papunta sa Arctic dahil sa kanya. Kaya nakipaghiwalay si Lucy kay Henry dahil hindi na magawa ni Henry lahat ng gusto niyang gawin dahil sa pagpapaniwala araw araw ni Henry sa kanya. Kahit mahirap ang kanyang pinagdaanan, nagawa niya pa ring pumunta sa kanyang ekspedisyon sa Arctic. Pero bumalik rin siya para kay Lucy. Laking gulat niya na lang nang pinakita ni Lucy ang kanyang mga painting dahil siya ang parati niyang pinipinta. Di nagtagal, gumising si Lucy nang isang araw, pinanood ang video ng lahat ng nangyari sa kanya, at paglabas niya ng kanyang kwarto ay nasa isang barko na siya papuntang Arctic, kasama si Henry at ang kanilang anak. Masasabi kong napakaganda ng kwento nito. Nagawa nilang ipakita sa nakakatawang paraan ang mga pangyayari kaya mas nakakasabik abangan ang susunod na mga pangyayari. Kahit medyo simple lamang, kahanga-hanga naman. Sa isa’t mahigit na oras na panonood ko nito ay napakarami kong natutunan tungkol sa buhay, pag-ibig, at pagpupursige. Pinaganda pa ang pagpapakita nito dahil sa napakagandang mga lugar na ginamit nila. At tahimik ngunit maaliwalas ang ginamit nilang mga kanta para suportahan ang mga pangyayari. Sa lahat ng mga pinanood kong pelikula, kahit sabihin ng mga tao na mababaw ang kwento, ito na siguro ang pinaka nakakatuwa pero seryosong pelikula na pelikulang napanood ko.
|