Thursday, December 11, 2008

hello, hello, HELLO!
Pinost ni Kebs noong 10:48 PM

Hello dito sa blog.:D Ito yung parte ko, ni Kevin Caballas, sa project sa FILDLAR. Click niyo at puntahan rin yung part ni Jose Hermoso!

Nakalimutan ko rin i-credit sa credits.
music: Rikku's theme from Final Fantasy 10




Response.
Pinost ni Kebs noong 10:33 PM

"Problems don't come just to trouble us. Just like choices, they are part of our journey. But they don't just make you feel bad. It teaches you lessons; something like being stronger emotionally."

Nung blogger pa ako dati, na-quote ko na dati iyan sa isa kong post. Sinabi yan ng kaibigan ko dati sa isa post niya.

Ang mga problema - nagbibigay ang mga yan ng lakas sa ating lahat. Oo, lakas. Madalas nating sinasabing mga peste lang sa buhay. Akala mo lang yun. Malamang nasabi na sayo 'to ng iba, pero ang mga problema ay isang malaking tulong sa ating lahat.

Panigurado namang panira ng araw ang mga problema natin e. Pero ang mga problemang yan ang nagtuturo sa atin ng tamang paraan ng pag-ayos ng mga problema natin at para na rin maiwasan natin ang problemang iyon sa susunod. Nagiging mas mautak rin tayo sa paghahanap ng mga solusyon para malutas ang ating mga problema.

Ba't maraming mga magbf-gf o mag-asawa ang tumatagal ngayon? Ito ay dahil sa pagsisikap sa paglutas ng kanilang mga problema sa isa't isa at sa kanilang relasyon. At bakit nandito pa tayo ngayon at nabubuhay? Dahil 'to sa mga problema. Natuto na tayong umiwas sa ilang mga problema na nangyari na dati at nakagawa na tayo ng mga iba't ibang bagay para mas maiwasan pa natin ang mga mas malalang problema sa ating kinabukasan.

Kailangan lang naman nating magmakapal ang mukha at rumesponde.




"If you don't accept yourself now, how will you ever get accepted into college?"
Pinost ni Kebs noong 10:20 PM

Nakuha ko yung pamagat nitong post na 'to sa cartoon na "As Told By Ginger." Natuwa ako sa linyang yan noong nasa hayskul pa lang ako. Parang, oo nga 'no.

Marami akong nakikitang mga tao dati na nakikiuso. Nakakalimutan nila magpakatotoo dahil sa mga tao sa paligid nila. Hindi naman siguro dahil sa mukhang maangas yung iba, kundi dahil gusto nilang maging kasama sa mga grupo na taong yun. I should know, naging ganun rin ako dati.

Dati nakikiuso ako dun sa emo trend. Parati akong nakaitim, nakasimangot, nakikinig sa mga "sawi songs", nagsasabing magpapakamatay ako't lahat lahat. Pero may kaibigan ako dati na tinuruan akong malayo sa ganun at magpakatotoo. Mabuti na lang talaga.

Ang pagpapakatotoo sa sarili ay dapat lang, lalo na sa mga kabataan ngayon. Hindi naman sa hindi na natin dapat sundan ang pananamit, mga linalaro, mga pinapanood at kung ano ng iba, dapat lang natin tandaan na may sarili naman tayong estilo't buhay. Hindi natin ito kailangang ibase sa iba. Para kasing sinasabi mong 'di ka nakukuntento sa buhay mo't kailangan mo ng bagong imahe.

Hinay-hinay lang sa pakikisama. Kahit sino't ano ka man, basta't nagpapakatotoo ka, siguradong magugustuhan ka pa rin ng iba.

That's what got us into college, right S20? :)




Sana ngayong Pasko... iba na.
Pinost ni Kebs noong 9:45 PM

Noong bata pa ako, masaya ang Pasko. Parating nagpupuntahan lahat ng mga kamag-anak ko dito sa bahay namin. Magsasaya kami hanggang alas kwatro. Kakain kami ng iba't ibang putahe. Mangangaroling bago sumapit ang alas dose. Magpaparaffle si mama. Ang hirap talaga kalimutan nun. Habang lumipas ang mga taon, paulit-ulit naming ginagawa yun. Pero simula nang naging malaking problema ang pera, unti-unting naglaho yun hanggang sa mawala na yun sa tradisyon naming iyon.

Ang pera ay matagal nang pinoproblema ng mga tao sa mundo. Di nalalayo ang Pilipinas doon. At habang tumatagal, mas lalong lumalaki't lumalala ang problema. Naiintindihan ko kung ba't natin pinag-aawayan ito, pero pati Pasko ba naman e papatulan pa?

Ang Pasko ay ang pagdiriwang natin sa pagkapanganak ni Hesukristo, ang ating Tagapagligtas. Gugustuhin niya malaman na sa araw ng Kanyang kapanganakan ay nagkakaisa tayo. Pero iba ang nangyayari e. Alam kong hindi lang sa akin nangyayari ito. Kahit sa iba. Kahit hindi tungkol sa pera. Diba ang importante ay dapat nagkakaisa ang bawat tao sa mundo? Dapat lahat masaya...

Hindi naman sa nagiging selfish ako sa post 'kong ito. Pero isa 'to sa mga isyung matagal ko nang gustong may maiparating sa iba. Kahit ngayon lang, magkaisa sana tayong lahat ngayong Pasko.




Makinig ka nga.
Pinost ni Kebs noong 9:16 PM

Siguro lahat ng biyaya ng Diyos nakapokus na sa atin e 'no. Lahat ng kailangan natin ibinigay na sa ating mga tao. Pero sa lahat ng biyayang nabigay niya, ang pinakanagustuhan ko ay yung tainga. Kasama ang utak, ito ay ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na makinig.

Ang pakikinig ay maraming ginagawa sa tao. Dahil dito, tayo'y naaaliw, nalulungkot, natututo at marami pang iba. Parati naman natin 'tong nakikita sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Si tatay nakikinig kay nanay, si ate sinesermonan ni kuya, si janitor inuutusan ni boss, si lalaki kinakantahan si babae, si mare chinichika ni suki... basta ganun.

Dahil napunta na rin naman sa tao ang usapan, ang pakikinig ay importante sa pagbuo ng tiwala't relasyon sa isang tao. Nakakatulong itong umintindi sa ugali't isipan ng iba. Hindi lang yan ang nagiging epekto ng pakikinig. Akala mo dun lang yun? Marami kang bagong matututunan na hindi mo pa alam dahil sa pakikinig. Nakakatulong din ito sa sarili mong bumuo ng magandang personalidad. Hanep 'no?

Minsan, hinahayaan lang natin lumabas lahat ng pinapakinggan natin. Dahil dito, mahirap makakuha ng tiwala galing sa iba. Nakakahiya rin naman kung yung kausap mo salita nang salita tapos wala ka rin namang inintindi dun. Pero kaya naman 'tong maiwasan basta masanay mo lang ang sarili mong makinig nang husto at kailangang mahaba ang pasensya mo para masanay.

Walang may kayang matutong makinig nang husto sa isang araw lang. Madalas ay inaabot tayo ng naaaaaaapakatagal na panahon bago natin makuha ito. Pero kung makakabuti rin naman 'to, sa tingin ko'y worth it naman ang pagsanay nang ganun katagal.




Pilit.
Pinost ni Kebs noong 8:33 PM

Tanda ko napilitin ako dating maging Adolfo sa presentasyon namin ng Florante't Laura. Nakakapanibago nga e. Madalas kasi extra lang ako, walang kamalay-malay sa totoong takbo ng kwento. E major role 'to e. At sa pinakaayaw ko pa dito, masama yung role ko. May "irerape-ko-si-Laura" scene pa. Mas lalo akong napapaayaw. Ang mas malala pa dun, yung Laura namin, close ko pa. Nakakahiya naman. E napilitan e, wala akong magagawa dun.

Hindi mawawala sa buhay ng tao ang mapilitan na gumawa ng isang bagay. E kung kailangan e. Mas maiging sumunod ka na lang kaysa sa tumiwalag.

Madalas naman kapag tayo'y napipilitan sumunod ay para rin sa ikabubuti natin. Hindi naman natin kailangang gustuhin iyon, pero kung makakabuti nga naman iyon diba. Halimbawa nito ay ang pagsunod natin sa mga patakaran na nakalahad para sa lugar na iyon. Baka mapahamak o makasakit ka kasi kung di ka susunod.

Pero minsan, naaabuso ang pagpilit. Nakukulong ang tao sa isang kulungang ipinagbabawal sila maging kung sino sila o mamuhay nang normal. Nakakasama ang pag-abuso nito, lalo na ngayon na marami nang kung anong bisyo't kung ano ang lumilitaw kung saan saan. Pero 'di lang 'to tumitigil doon. Sa pag-ibig, ang pagpilit na pagmamahal ng isang taong mahirap abutin o pinapahirapan ka pabalik ay nakakasama rin. Kahit tawagin mo ang sarili mong martyr, kung hindi rin naman nakakabuti sa iyo o sa inyong dalawa, oras na para magpigil. Hindi naman masamang tumiwalag. Basta may dahilan kang kaya mong panindigan.

Di masamang magpapilit. Huwag lang umabot sa mawawalan ka na ng kontrol sa sarili mo.




'Di lang si Sparrow ang pirata sa panahon ngayon.
Pinost ni Kebs noong 7:21 PM

India - Isang pinaghinalaang mother pirate ship ay ginulpi ng isang Indian warship noon. Nakakatuwa nga, akala ko wala nang mga pirata ngayon. Siyempre bukod na yun dun kay Sparrow pati yung mga nakikita madalas sa bangketa. (Weh, ang corny)

Sa panahon natin ngayon, lalo na't dahil sa krisis pang-ekonomiko na hinaharap ng bawat bansa, naghihirap ang pag-e-export nating lahat. E kung papalalain pa nito ng mga sagabal, tulad ng mga pirata't kung ano pa, paano pa tayo makakaahon sa kahirapan? Kahit na makatakas yung mga sagabal na iyon sa kahirapan dahil sa kanilang pagnanakaw at panggugulo, maaapektuhan pa rin sila kapag naubos na lahat nung nakaw nila. At mas malala pa doon, lahat ng tao maaapektuhan ng hirap.

Maigi na ring pinaliyab na ng depensa ng India ang ugat ng mga pirata. Kahit papano, hihina na ang kanilang pwersa, diba. Mas makakahinga na ng malalim ang mga exporters ng India.




Kapaskuhan sa gitna ng krisis pang-ekonomiya
Pinost ni Kebs noong 1:39 AM

"Kapag may pera ka, kasama ka sa mga mamomroblema." - Yan ang parati kong naririnig sa radyo't kung saan-saan ngayon dahil sa global economic crisis na nararamdaman ng bawat bansa sa mundo. Dahil dito, nagrereklamo ang mga tao sa pagtanggal ng kanilang mga Christmas bonus, pagkansela ng kanilang Christmas party, pagbili ng mga mumurahing regalo't pamasko imbis na sobrang gara at iba pa. Pero kahit ganun, sa aking palagay ay dapat pa rin nating gawing masaya ang pasko. Alang alang na rin sa ating Panginoon na magdiriwang ng kanyang kaarawan. Yun rin naman siguro ang gugustuhin Niya. Basta magpakasaya tayo kasama lahat ng mga malalapit sa ating puso't magkaisa ang bawat nilalang sa mundo, hindi na importante kung may mga mawawala dahil sa problemang ekonomiko na yan.




Paskong kay ganda sa Amerika
Pinost ni Kebs noong 1:25 AM

Isa sa mga pinangarap kong makita noong bata pa ako ay niyebe. Ginusto ko kasing gumawa ng snow man at magbato ng niyebe kung saan-saan. Laking gulat ko na lang nang sinabi ng nanay ko na pupunta kami sa Amerika bago sumapit ang pasok!

Habang kami'y nag-iimpake, nalaman kong aalis kami habang natutulog ang nakababata naming kapatid kasi wala pa siyang Visa noon, Kaya medyo nalungkot ako. Pero pagsakay namin ng eroplano ilang oras ang makalipas, lalo akong sinabik.

Sinalubong ako ng malamig na hangin pagkalabas ko ng eroplano ilang oras ang makalipas. Bumilis ang tibok ng aking puso. Disneyland, Universal Studios, mahalimuyak at preskong simoy ng hangin sa Amerika, NYEBE - "mararanasan ko lahat yan dito", sabi ko sa isip ko.

Sa mga sumunod na araw ay gumala na kami. Kung pwede lang sana e araw-araw kami sa Disneyland noon, pero kelangan pa kasi namin bumisita sa Universal Studios. Kaya di na kinaya. Galing Los Angeles, pumunta kami ng San Francisco. Binisita naman namin doon ang ilan sa mga magagandang tanawin tulad ng Golden Gate Bridge, ang Ripley's Museum, at marami pang iba. Doon na rin kami nagdiwang ng Pasko't Bagong Taon. Nagpunta kami ng Lake Tahou pagkatapos at di ko aakalaing doon pala matutupad ang aking pinapangarap na nyebe. Parang putik lang naman palang pinaputi't hinaluan ng yelo yun e. Kung tutuusin, parang yung mga kung-anong nakadikit sa freezer lang ng refridgerator yung itsura noon.

Hindi ko makakalimutan ang nangyari sa amin sa hotel na tinitirahan namin noon. Isang gabi, habang natutulog kami, bigla na lang kaming binulabog ng fire alarm. Hindi lang sa kwarto namin, pati na rin sa buong gusali. Takbo naman kami agad papunta sa hagdan. Nakapaa't nakapangtulog lang ako noon. Iniwan din namin yung gamit namin sa taas bukod sa passport pati pera. Pagkababa namin, tinignan-tignan ko yung hotel. Mukha namang walang sunog. Bigla na lang sinabi na false alarm lang yun. Buti na lang kamo ganun. Naiwan ko kasi kasama ng gamit namin yung pinakamamahal kong stuffed toy.

Kahit na nabitin ako at nagkaroon ng kakaunting problema, naging masaya naman ang naging pagpunta sa Amerika. Malugod naman kaming tinanggap doon ng mga tao. Kahanga-hanga rin ang kanilang mga tanawin at atraksyon. Masasabi kong babalik-balikan ko talaga 'to.




Jologs - Buhay ng mga tao, dito magkakatagpo.
Pinost ni Kebs noong 1:19 AM

Bukod sa pag-ibig, madalas nagiging tema ng isang pelikula ang pagkakaibigan. Pero paano kung pinakita ito sa pamamagitan ng pagkokonekta ng buhay ng mga tauhan sa isang tindahan ng kape? Eto ang Jologs, isang nakakatawang pelikula tungkol sa pag-ibig, pagkakaibigan at ang pagkakakonekta natin sa isa’t isa.

Sampung tao, si Mando, si Dindo, si Kulas, si Trigger, si Iñigo, si Ruben, si Faith, si Joan, si Chera at si Iza, ay magkakakonekta ang buhay kahit hindi nila alam. Kung hindi hirap sa pag-ibig, hirap sa trabaho. Kung hindi naman ganun, hirap hanapin ang kanilang sarili. Pero may iilan namang masaya na sa meron sila’t sineswerte parati, sinasablay lang minsan. Pero iisang bagay ang pareho sa kanilang lahat: ang pinupuntahan nilang kapihan. Sa bandang dulo ng kwento, sila ay magtatagpuan lahat sa kapihan. Makikita doon na nag-aaway si Mando at si Trigger dahil sinibak si Trigger sa trabaho. Sa isang aksidente, nasunog ang kapihan ngunit naiwan sa loob si Kulas na sawing sawi sa pag-iwan sa kanya ni Joan. Pero nang lumipas ang apoy, lumabas mula roon si Kulas. At tulad ng napakaraming kwento, lahat sila ay nagkaroon ng kanilang sariling happy ending.

Nakakatuwa ang pagpresenta ng kwento nito dahil nga sa pagpapakita ng iba’t ibang perspective galling sa mga pangunahing tauhan ng kwento. Mas nabibigyan ng pansin ang pagdaloy ng kwento kahit na papalit-palit ang nagkukwento. Nakakatuwa rin ito dahil nakakatawa siya’t lahat ng tao ay makakaintindi dahil sila rin mismo ay nararanasan ito. Di ito pangkaraniwan pero hindi rin naman ito tulad ng mga parati nating nakikita. Ganun na rin sa kanyang sinematograpiya. Kung di dahil dito, hindi rin mabibigyan ng buhay ang pelikula. Kaya masasabi kong marerekomenda ko na panoorin niyo ‘to dahil sa pagiging nakakaaliw nito at sa dami ng matutunan dito.




Pinoy Blonde - Naiiba sa... iba. (:P)
Pinost ni Kebs noong 1:18 AM

Sa pagiging steryotipikal ng karamihan sa mga pelikula ngayon, masarap maghanap ng bagong pwedeng panoorin. Yung naiiba, yung may ipinahihiwatig. Kahit simple lamang ang kwento, basta kayang intindihin, ayos na. Maiba lamang sa mga stereotype ngayon. “Pinoy Blonde” ang nakita kong pumapasok sa kategoryang yan.

Isang simpleng plot ang meron. Si Andrew na ginanapan ni Jeffrey Quizon at si Conrad na ginanapan ni Boy2 Quizon ay parehong mahilig sa mga pelikula. Ginawa ang huling bilin ng kanyang alanganing tito na dalhin ang isang paper bag sa isang hotel kapalit ang isang misteryosong package. Pinagtalunan din doon kung sino ang mas magaling na direktor sa pagitan ni Lino Brocka at Ishmael Bernal. Magtatapos din ang pelikulang ito sa apoy, nang masunog ang hotel pagkatapos ang isang mahigpit ngunit saglit na labanan kung saan nagtulungan ang dalawa.

Maging isa nga sa mga pinakakakaibang at bagong pelikulang aking napanood, hindi pa rin maaalis ang katotohanan na medyo naging magulo ang takbo ng kwento. Mahirap sundan. Hindi rin ako mayado natuwa sa mga kanta’t tunog na ginamit. Wala masyadong pagkaorihinal. Pero kahit papano’y bumawi ito sa mga antics at sa mga nakakatawang dialogue nito, pero hindi pa rin naging patok sakin ang pagsasabi ng mga linya mula sa ibang mga pelikula. Ang sinematograpiya rin ay bumawi rin. Nakakatuwa ang pagpepresenta ng mga pangyayari sa kwento.

Nanghinayang ako dahil sa masyadong pagkakagulo ng takbo. Pero kahit papano nama’y natuwa pa rin ako sa aking napanood. Hindi man ito ang pinakamagandang pelikula sa market, pero mapapaalala ko naman sa sarili ko na may pag-asa pa ang pelikulang Pilipino na mawala sa pagiging steryotipikal dahil sa pagkakaroon ng sariwa’t bagong mga ideya tulad nito.


Wednesday, December 10, 2008

50 First Dates - Kaya mo ba tumagal sa isang paulit-ulit na relasyon?
Pinost ni Kebs noong 11:41 PM

Ang pag-ibig ay isang kakaiba ngunit magandang emosyon. Walang may kayang intindihin ito nang isang tinginan lamang. Hindi rin siguro ito maiintindihan sa ikalawang tingin. Pero paano kaya sa ikalimampung tingin? Kaya ba? Sa pelikulang “50 First Dates” malalaman ang kasagutan sa tanong na iyan.

Ang pelikulang ito ay ginanap sa Hawaii. Pinangungunahan ang pelikulang ito ni Henry Roth na ginampanan ni Adam Sandler. Isa siyang beterenaryo ng mga hayop na naninirahan sa tubig. Tinadhana silang magkita ni Lucy Whitmore na ginampanan naman ni Drew Barrymore sa isang kapihan. Naging malapit sila sa isa’t isa noong araw na yun. Pero nang nagkita ulit sila kinabukasan sa kapihan, hindi na maalala ni Lucy si Henry at lahat ng mga pinagsamahan nila noong una nilang pagkikita dahil meron siyang anterograde amnesia na nakuha niya pagkatapos niyang mabangga ang kanyang kotse sa isang puno. Dahil sa sakit na ito, bawat tulog niya ay nakakalimutan niya lahat ng nangyari sa nakaraang araw at paulit-ulit niyang pinaniniwalaan na ang araw na binubuhay niya ay Oktubre 13, 2002, ang araw bago ang makapagbagong –buhay na aksidente. Dahil dito, paulit-ulit ring inaarte ng kapatid at tatay ni Lucy ang araw na iyon at napilitan si Henry na maghanap ng bagong paraan araw-araw para makapasok lang sa puso ng dalaga. Nang nakipakilala ang tatay at kapatid ni Lucy kay Henry dahil sa pagpupursige niya, at matapos bigyan ni Henry si Lucy ng isang bidyo tape na nagsasabi sa kanya lahat ng mga nangyari sa buhay niya pagkatapos ng aksidente, unti-unting napapalapit si Lucy kay Henry, hanggang sa maging sila. Pero nang natulog silang dalawa sa iisang kama, pagkagising ni Lucy at pagkakita niya kay Henry, hindi niya siya naaalala kaya inatake niya ito. Si Henry ay lumabas ng kwarto at kinausap ang doktor ni Lucy at narinig ng dalaga na dahil sa kanya, hindi makakaalis si Henry papunta sa Arctic dahil sa kanya. Kaya nakipaghiwalay si Lucy kay Henry dahil hindi na magawa ni Henry lahat ng gusto niyang gawin dahil sa pagpapaniwala araw araw ni Henry sa kanya. Kahit mahirap ang kanyang pinagdaanan, nagawa niya pa ring pumunta sa kanyang ekspedisyon sa Arctic. Pero bumalik rin siya para kay Lucy. Laking gulat niya na lang nang pinakita ni Lucy ang kanyang mga painting dahil siya ang parati niyang pinipinta. Di nagtagal, gumising si Lucy nang isang araw, pinanood ang video ng lahat ng nangyari sa kanya, at paglabas niya ng kanyang kwarto ay nasa isang barko na siya papuntang Arctic, kasama si Henry at ang kanilang anak.

Masasabi kong napakaganda ng kwento nito. Nagawa nilang ipakita sa nakakatawang paraan ang mga pangyayari kaya mas nakakasabik abangan ang susunod na mga pangyayari. Kahit medyo simple lamang, kahanga-hanga naman. Sa isa’t mahigit na oras na panonood ko nito ay napakarami kong natutunan tungkol sa buhay, pag-ibig, at pagpupursige. Pinaganda pa ang pagpapakita nito dahil sa napakagandang mga lugar na ginamit nila. At tahimik ngunit maaliwalas ang ginamit nilang mga kanta para suportahan ang mga pangyayari. Sa lahat ng mga pinanood kong pelikula, kahit sabihin ng mga tao na mababaw ang kwento, ito na siguro ang pinaka nakakatuwa pero seryosong pelikula na pelikulang napanood ko.